Tuesday, December 26, 2017

Paano ang Pasko sa mga Bulag?

Paano ang Pasko sa mga Bulag?
by Lyza

Gabi na kung ako'y umuwi mula sa trabaho
At dahan-dahang tumawid patungong Meralco
Nakatayo at buong pasensya ako nagiintay ng taxi
Gusto ko na makauwi at madilim na kasi.

Sa pagsakay ko ng taxi ay patuloy ang pagintay
Sa sobrang traffic, ang isip ko ay naglakbay
Mga magagandang ilaw, mga ngiti at mga makukulay na regalo
malapit na nga ba ang Pasko?

Napatigil ako sa aking pagmumuni-muni
nang may kumatok sa bintana kong katabi
kumakatok at namamalimos na babae
sa aking pagsusuri'y, bulag ang ale.

Umandar na ang taxi at wala akong nai-abot
pero sa aking isip ay hindi ko malimot
Paano ang pasko sa bulag?
Hindi ba parang ang daming kulang?

Buti pa ang bingi
Nakikita ang lahat ng ilaw at ngiti.
Kahit hindi makarinig,
Nakikitang siyang kasali pa rin.

Buti pa ang pipi
Naririnig ang masasayang awitin
Kahit hindi makasabay sa jamming,
Nakakasabay naman ang kanyang mga ngiti.

Ngunit paano ang bulag?
Parang malaki ang kulang.
Mga magagandang ilaw, makukulay na regalo at mga ngiti
kahit sa isip ay hindi mawari.

Mahirap kung iisipin
na ang natitirang pandamdam at pandinig
ay natatanging sandalan sa paligid
na puno ng kanto at gilid

Malapit na ang Pasko
ngunit ang mga bulag ay paano?
Magkakaroon pa kaya ng pagkakataon
na maranasan nila ito ng buo?

Ano kaya ang pwedeng gawin
para sa mga bulag nating kapatid?
Regalo, pagkain o pera
lahat ay parang sadyang kulang pa.

Sa wari ko'y dapat nating gawin
para Pasko'y padamahin
pagmamahalan at kaligayahan
natatanging sagutin

Sila ay mga nilalang din
na Pasko ay ninanais din
kahit wala silang makita
Pasko ay sana madama

Maswerte ang walang kapansanan
at lahat ng pwede ay nararanasan
ngunit hindi lahat ay mabuti
para mga natatamasa ay ibahagi

Sana ay maisip ng lahat
na lahat materyal na bagay ay hindi sapat
Pasko'y hindi lamang para sa walang idinadaing
ngunit para sa lahat ng tao rin.

Minsan aking naisip
mas mabuting bulag sa mata ngunit dilat sa isip
Sapat na sila sa anong meron
at hindi na nagagawang magreklamo

Buti pa ang mga bulag
Tunay na kahulugan ng Pasko'y alam
Kahit hindi nakikita ang paligid at mga kulay
sila'y tunay na nagpapasalamat sa buhay

Huminto na ang sinasakyan ko
Ay, nasa bahay na pala ako.
Ano na kaya nangyari sa bulag na babeng nakita ko?
Malapit na nga ba ang Pasko?

No comments:

Post a Comment

My Testimony

How it All Began: My Testimony